Pages

Sunday, January 2, 2011

Disencarnate Spirits (Batlaya, Kabatlayaan)

Ano ang tinatawag na Batlaya?

Sa ating pakikipag-aral tungkol sa Espiritu, laging ipinapa-alala sa atin ng mga sa atin ay nagtuturo na suriin ang mga sa atin ay ipinagkakaloob na mga aralin. Mayroon mga espiritu na nagbibigay ng pag-aaral sa pilosopiya, moral at mataas na antas ng karunungan. Kadalasan sa ating mga natatanggap na abotsabi ay mula sa mga banal na alagad ng kaitaasan tulad ng Espiritu Santo, Hesus ng Nazareth, at mga Arkanghel.

(Halaw mula sa Abotsabi, May 19, 1993 – Arkanghel Miguel)

Kabatlayaang hinahanap at tinatawag ng bawa’t isa ay isang katagang ang ibig sabihin ay mga kaluluwang lumaya sa maraming uri ng pagkakasala.

Batlaya rin ang tinatawag sa isang nilalang na nag-iwan ng laman sapagka’t sumakabilang buhay; naghanap ng lalong angkop sa tunay na pangangailangan ng kaluluwa ng tao; nagdanas ng ibayong hirap na hindi pa ninyo dinadanas sa panahon ng kapamuhayang inyong itinataguyod.

Kaya nga at ang katagang kabatlayaan ay yaong mga pinalaya ng Amang Makapangyarihan sa mga bagay na hindi maiiwasan ng tao sa sanlibutang ito na katulong ng kaitaasan upang ipalaganap ang mga aralin ng Amang Makapangyarihan sa pamamagitan ng mga abot-sabi. Ang mga halimbawa ay ang mga sulong na Espiritu, arkanghel, apostol, at mga santo at mga santa.

Ano ang tinatawag na espiritu pamilyar?

Mayroon namang nagpapahayag ng kanilang mga karanasan ng dating naging kabuhayan sa lupa.Paminsan-minsan ay nakakatanggap rin tayo ng mga pahayag mula sa ating mga kakilala dito sa lupa na nag-iwan na ng katawang-laman upang tayo ay makapulot ng mga karanasan, mapait man o mabuti man sa kanilang kinaroroonan upang imulat ang mga naririto sa lupa sa mga natamong pag-aaral sa likod ng libingan at mga kanilang naging mga pagkukulang habang nabubuhay sa kapatagang-lupa.

Sila ay ang ating mga kamag-anak na lumisan na sa lupa, mga naging Pangulo ng ating bansa, mga bayani, na atin nang nakilala, kaya nga tinawag na mga espiritu na pamilyar.

Hindi matatawag na batlaya ang mga nilalang na nag-iwan na ng laman na hindi pa pinalalaya ng Amang Makapangyarihan sa mga bagay na hindi maiwasan ng tao sa kapatagang lupa. Gayon pa man sila ay pinahihintulutan makapamahayag sapagka’t mayroon din silang araling maibabahagi, mula sa buhay dito sa lupa ay narating na nila ang dako pa roon na siyang ipanapabatid sa atin ang kanilang kalayagan doon, minsan may nagsasabing nais nilang bumalik upang tapusin ang mga pangakong sinumpaan at mga tungkuling na di natupad at inabot na na kamatayan.

Paano makaka-akit ng isang banal na Espiritu/Batlaya na nakapagdadala sa lalong maunlad na kabatiran?

(Mula sa Abotsabi ng San Antonio de Padua)

Ang tao ay maaaring maka-akit ng isang Banal na Espiritu o Batlaya kung dala-dala niya ang mga sumusunod na pangangailangan:

1. Kailangang maging kauri ang inyong diwa sa kalinisan at kadalisayan sa kawagasan ng simulain at layunin at ng kasalukuyang kalagayan ng inyong sarili.

2. Kailangan ng malinis na buhay, malinis at wagas ang inyong puso.

3. Kailangan na mapayapa ang damdamin at pinaghaharian ng isang matapat na pag-ibig sa kapwa ang inyong puso.

Ano ang mga damdamin na pinaghaharian ng matapat na pag-ibig sa kapwa?

1. Damdamin na ang tinutudla ay ang kaluluwa ng kapwa tao sa larangan ng pag-amin na ito ay kapatid, na ito ay kaisang kaluluwa, na ang damdamin nito ay siya ring inyong damdamin, na ang hirap nito ay siya rin hirap ninyo, na ang kaligayahan nito ay siya rin kaligayahan ninyo.

2. Yaong tibukin na sadyang makapangyarihan na hindi lumilingon ng kapwa tao, hindi lumilingon sa anumang balakid o sagabal o kalagayan ng anumang uri ng tao. Hindi ninyo nakikita ang kanyang mga kahinaan, hindi ninyo inaalintana ang kanyang mga pagkukulang, hindi ninyo ina-alagata kung mayroong igaganti o wala.

3. Ang tibuking magkakapatid na sadyang wagas at tapat na hinahangad ninyo ang kanyang pagligaya, ang kanyang kaligtasan sa mga paghihirap at kapangyayaan sapagka’t nakikita ninyo ang ilaw ng kanyang kaluluwa at ito ay iniisip ninyo na kaisa ninyo.

4. Yaong damdamin na walang isinasa-alang alang kung hindi ang pakikipag-isang diwa sa larangan ng paglilingkod, at dahil dito, handa kayong maglingkod na may pagpapakasakit, na hindi patanaw kung hindi lubus-lubusang taimtim sa inyong kalooban at damdamin. Ang inyong nakikita ay kung papaano iniibig ninyo siya at paglingkuran.

5. Ang tibuking hindi nagpaparusa, na bagaman at taksil at salanggapang ang inyong kapatid at hindi karapat-dapat sa inyong pagmamahal o sa inyong tulong, wala sa inyo ang bagay na iyan. Hindi ninyo aalagatain kung dapat parusahan ang isang nagkamali sa inyo o sa lipunan, ang aalagatain ninyo ay ang sapupuhin siya at iangat at magbalik sa kanyang tunay na uri, sa Ama.
Ang lahat ng tao, may potensiyal at pundamental, ay talaytayan ng mga lakas ng mga banal na batlaya.

2011-01-002

No comments:

Post a Comment