Paano nagkaiba ang Espiritu sa Kaluluwa?
Ang Espiritu
Ang Espiritu ay siyang prinsipiyong matalino ng buong paglalang (creation). Siya ang diwa, wagas at walang hanggan. Hindi siya saklaw ng panahon (time) at puwang, patlang o espasyo (space). Siya ay sumasa lahat ng bagay. Ang simulaing matalino ang siyang katunayan na mayroong Diyos sapagka't hindi matatanggap ang Mataas na Kapangyarihan kung ang paghaharian lamang ay ang mga bagay na walang katalinuhan, tulad ng hindi ipagkakaroon ng Dakilang Hari kung ang paghaharian ay mga bato lamang.
At sapagka't hindi maunawaan ang Diyos nang hindi nag-aangkin ng Kanyang karuonan (attributes), ang mga sagisag na ito ng Diyos ay nawalan ng kabuluhan kung sa materya lamang gagamitin. Ito rin mga karuonang ito ang siyang isinangkap sa bawa't espiritu upang maihayag ang kanyang katalinuhan, kaya nga at siya ay sumusulong hanggang makasapit sa kalagayang lubos na nauunawan at natatanggap ang mataas na munakala ng sa kanya ay lumikha.
Ang espiritu ay may kalayaan sa pagpili ng laman na kanyang gagamitin sa kanyang pagbabayad-utang (atonement, expiation) o misyon. Ang kapaligiran na kanyang pinakikisamahan, ay siyang mahalaga sa ikatutupad ng kanyang tungkulin.
Kaya nga at mayroong pangyaya rin na kung ang paligid na kinagisnan ng sanggol ng kanyang gagamitin sa isang kabuuan, ay magiging sagabal sa katuparan ng kanyang pagbabayad-utang o ganapin ang isang kabuhayan, ito ay kusa niyang iiwan sa pamamagitan ng pagpatid sa pluwido o peri-espiritu na nag-uugnay sa materya upang siya ay makahanap ng bagong sanggol na ang paligid ng mga magulang ay naa-angkop sa kanyang pangangailangan o tuparin.
Ang Kaluluwa
Marami ang opinyon tungkol sa kaluluwa. Aking ibibigay ang iba’t ibang pagkukuro upang buhat dito ay magkaroon ang bumabasa ng kanyang sariling pagsasaliksik at makabuo ng isang magandang larawan kung ano ang isang kaluluwa para sa kanya.
Ang kaluluwa ay siyang prinsipyong buhay ng katawang laman. Ang sabi ng iba, ang kaluluwa ay hindi sumibol sa kanyang sarili at mawawala rin kapag ang katawang laman ay mamatay. Ang wika ng mga taong naniniwala sa materialismo ang kaluluwa ay kasanhian (effect) at hindi ang kadahilanan (cause).
Ang ibang panig ay nagsasabing ang kaluluwa ay siyang prinsipiyo ng karunungan, isang karunungang unibersal (universal agent) na kung saan lahat ng taong nilalang ay napagkalooban ng isang bahagi.
Ayon sa kanila, sa buong sangkalawakan (universe) ay mayroon lamang isang kaluluwa na siyang namamahagi ng talsik ng kanyang kaluluwa sa lahat ng mga nilalang na may talino, sa kanilang kabuhayan; ang bawa’t talsik na ito, sa kamatayan ng nilalang na iyon ay mabubuhay at babalik sa kanyang pinanggalingan at ito ay muling sasama sa kabuuan ng isang kaluluwa.
Tulad ng isang ilog, na babalik sa dagat na kanyang pinagmulan. Kaya nga sa kamatayan, ang paniniwala ay nawawala na ang pagkilala sa sarili (identity).
Ayon sa kanila, ang isang Pangkalahatang Kaluluwa (Universal Soul) ay ang Diyos at ang bawa’t nilikha ay may bahagi ng pagka-Diyos. Ito ang kapaniwalaang Panteismo (Panteism).
At sa pangkat ng Spiritualist naman, ang isang kaluluwa ay isang nilalang ng kabutihan (moral being) hiwalay at walang kaugnayan sa materya at ang kaluluwa na pagpepreserba o napapanatili ng kanyang indibiduwalidad sa kamatayan.
Ang pagtanggap ng salitang “kaluluwa” ay siyang pangkalahatang tinatanggap sapagka’t bagaman at iba iba ang katawagan, ito pa rin ang tinutukoy sa isang nilalang na nabubuhay sa pagkamatay ng isang katawang-laman. At ang doktrinang ito ay siyang ginagamit sapagka’t sila ay naniniwala na ang kaluluwa ang kadahilanan (cause) at hindi kasanhian (effect).
At dahil may tatlong pangkat na nagkakaiba sa kung ano ang kaluluwa, kung kaya at tatlo rin ang ibig ipakahulugan ayon sa katuruan kung kaya at upang matanggap ng higit na nakararami ang salitang “kaluluwa” ay tatawagin kong isang nilalang (being) na walang anyo at hugis at isang indibiduwal na nilalang (individual being) na nananahan sa atin, at walang kamatayan.
Ito ang mensahe. (Halaw mula sa abotsabi 08/07/1968, Centro Heneral)
Ang kaluluwa ay bihisang eteriko (ethereal envelope) ng espiritu. Ang kaluluwa ay hindi wagas, may hangganan, nagbabago-bago. Saklaw siya ng panahon at pook. Ang kaluluwa ay mga nagkasamasamang atomo (atoms) at iba pang elemento sa ika-apat na dimensyon (4th dimension).
Siya ay bagting na ginagamit ng espiritu sa paglangkap sa materya, at sa bawa't paggamit ng laman sa iba't ibang kapanganakan, ay iba't ibang uri ng elemento ang kanyang ginagamit, sang-ayon sa antas ng planeta na kanyang gaganapan ng mga bagong tungkulin.
Ang paglangkap sa katawan ng sanggol, ay nagsisimula sa tiyan pa ng ina sa gulang na humigit kumulang sa limang buwan, na siyang simua ng pagkilos ng sanggol sa tiyan. Inihihiwatig ng mga pangyayari na sa pag-uugnay ng espiritu at kaluluwa at sa panahon ng paglalangkap sa sanggol nagsisimulang humayag ang simulaing buhay (vital principle), hanggang sa pagluwal ng sanggol sa liwanag at hangin, ay nagigising naman ang mga pandamdam (senses) ng kataon. Habang lumalaki ang sanggol, umuunlad ang mga sangkap kasabay ang paglikas ng mga pandamdam ng katawan.
Ang prinsipiyo ng buhay ay humahayag din sa mga nilikhang hindi organiko (inorganic) tulad ng halimbawa ng hayop at halaman na pinakikilos pa rin ng buhay na walang kaisipan. Ang hayop, maging ang halaman ay gumagalaw sa udyok ng guni-guni o instinkgto (instinct), upang mapanatiling maayos ang kanilang sarili sa kanilang pakikisama sa kanilang kapwa.
Dahil dito, maliwanag na ang espiritu ay may naiibang buhay kaysa materya, sapagka't ang katalinuhan at pag-iisip ay kanyang mga sagisag, at samantalang ang materya ay hindi nagtataglay nito, ay mahihinuha na ang panangkap materyal at espirituwal ay dalawang simulaing bumabalangkas sa boung paglalang. Ang elemento espirituwal na nagsasarili ay siyang iba't ibang katawan sa kalagayang organiko at di-organiko.
Ang pagsulong ay siyang tadhana sa mga kinapal na espiritu, at ang kaganapang malapit para sa kanyang layunin at sapagka't nilalang ng Diyos na magpasawalang hanggan, marahil, ay mayroon na ng nakarating sa kaitaasan ng huling baitang ng pagsulong.
Ang kapatagang Lupa (planeta tierra) ay isa lamang sa mga kapatagan, at bago ito sumipot sa kalawakan, may papawirin na pinanahanan na ng maraming espiritu na nasa lahat ng antas ng pagsulong, buhat sa mga nagsisimula pa lamang sa buhay hanggang sa mga espiritung wagas, na kung tawagin natin ay mga Anghel, Kerubin at Serapines. Si Socrates, Buddha, Mahomma, Konfusiyo, Hesus, at marami pang iba, ay mga nauna lamang makatapos sa huling baitang ng pagkasulong.
2011-01-21
No comments:
Post a Comment